
Ako si Edong, isang jeepney driver. Me asawa't tatlong anak. Sarili kong jeep ang ipinapasada ko, bunga ng limang taon kong pagtatrabaho sa Saudi. Ang ruta ko ay Alabang - Pacita. Maraming pasahero sa rutang ito, pero may mga araw na, sabihin na nating medyo malas.
Tulad na lang nung isang linggo. Umaga pa lang inaalat na ang biyahe ko. Nag-Muntinlupa ako para maisakay ang mga estudyante. MunSci sa Tunasan, national sa may Bayan, Pedro Diaz sa Bayanan. Marami pang bakante ang jeep ko di tulad ng iba. Tinatapatan ko na nga kada kanto, kaso bumaba pa yung ibang pasahero. Nainis pa ata. Putcha, pag minamalas ka namang talaga. Dere-derecho yun hanggang hapon. Buti na nga lang at nakabawi nung gabi. Pumila na lang ako sa Alabang. Nag-Susana ako.
Pag malas ang biyahe, tulad nun, two hundred na lang ang nauuwi ko. Halos kulang pa sa pangkarga ko ang kinikita ko. Kaya minsan inaabot pa ako ng gabi para lang makarami ng boundary. Pero kung maswerte, aba! Five hundred, seven hundred. Nung isang araw, alas-dos pa lang ng hapon, naka-five hundred na ako! Umuwi ako alas-otso, eight hundred!
Pero sa mahal ng diesel, bihirang bihira akong makapag-uwi ng lagpas limandaan. Oo, bumababa nga pero sa tingin ko kulang pa rin. Aba'y grabe ang tinaas ng diesel noon. Ngayon, nababasa ko sa dyaryo, malaki ang binaba ng presyo sa world market, eh dito wala pa atang sampung piso ang binaba. Ang mga walang hiya, ganid sa tubo. At kung ako lang, ok lang na ibaba ang pasahe, basta ibaba rin ang presyo ng diesel.
Mahirap talagang mamasada, pero mas mahirap ang biyahe pag walang pasok sa eskwela. Yung tipong lumalabas ako ng alas-kwatro y medya, alas-singko punuan na pag may pasok, pag wala bilang mo ang sakay ko. Bawi na lang sa padalawang ikot ko, yung nagsu-Susana ako. Mga nag-oopisina sakay ko. Aba, maraming tsikas. At ang babango pa. Pag maswerte talaga, katabi ko pa. Saan kaya nagtatrabaho ang mga yun? Siguro sa may Madrigal, o di kaya sa Filinvest. Pag gabi marami rin. Yung mga nagtatrabaho naman sa call center, ayun.
Ay napahaba na pala ang kwento ko...
Ito talaga ang gusto kong ikwento. Yung minsan naholdap ako sa biyahe. Dun sa paglagpas ng palengke ng San Pedro sila nagdeklara. Sa may United yata sumakay ang mga walanghiya. Walang street lights, kokonti ang tao, tamang-tama para mang-holdap.
Tatlong maria ang pasahero ko. Tatlong barako ang holdaper. 'Di nangholdap sila, siyempre di na 'ko pumalag. Nilimas yung mga gamit ng pasahero, pati yung kinita ko't cellphone ko. Mabuti na lang inuwi ko yung ibang kita. Pero yung isang pasahero matapang. Inaagaw na yung bag, ayaw pang ibigay. Tapos binaril. Gulat ako. Nagbabaan ang mga gago.
Tinakbo namin sa Family Care yung babae, yung sa Pacita. Sa dibdib daw tinamaan. Kaibigan pala niya yung isang babae, tinawagan yung mga kaanak. Sabi ng mga doktor sa Family Care, di nila kayang operahan yung babae, ililipat ng mga kaanak sa Asian. Isinama ako nung isang lalaki, tatay ata nung babae. Sa daan pa lang, pasalamat na ng pasalamat sa akin.
Kinabukasan, nagdala na ng pera yung mga kaanak, reward daw. Kako, ayoko naman. Kusa kong pagtulong iyon. Sa akin sapat na yung makatulong. Minsan lang naman mabigyan ng pagkakataon, maging bayani.
Ito ang kwento ko. 'Pano ba 'yan, bibiyahe pa 'ko.

No comments:
Post a Comment